Panukalang bigyan ng prangkisa ang San Miguel Corporation para sa pagtatayo ng paliparan sa Bulacan, lusot na sa ikalawang pagbasa ng Senado

466

Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ng Senado ang panukalang nagkakaloob ng 50 taong prangkisa sa San Miguel Aerocity Inc. para sa pagtatayo ng bagong Manila International Airport sa Bulakan, Bulacan.

Nakapaloob sa panukala na sa loob ng 10 taong pagtatayo sa paliparan ay magiging exempted sa direct at indirect taxes ang aerocity.

Sa natitirang 40 taon ng prangkisa ay magiging exempted naman ito sa income taxes, real estate tax at iba pang uri ng buwis hanggang mabawi nito ang puhunan.

Tiwala si Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe, na ang itatayong paliparan may malaking positibong epekto sa ekonomiya ng bansa.

Ipinaliwanag ni Poe, na ang tax exemptions na ipagkakaloob sa San Miguel Aerocity ay mababawi rin mula sa kikitain sa oras na maging operational na ang paliparan.

Binigyang diin pa ni Poe na ang bagong paliparan ay magbubunga ng maraming trabaho at daan para mapaluwag ang iba pang paliparan at mga lansangan lalo na sa Kamaynilaan.

Facebook Comments