
Panukalang dagdag na sahod, ihahain muli ng isang senador sa 20th Congress
Ihahain muli ni Senator Migz Zubiri sa 20th Congress ang panukalang dagdag na sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ayon kay Zubiri, hindi pa tapos ang laban para sa umento sa sahod ng mga manggagawa kaya muli niyang ihahain sa susunod na Kongreso ang naturang panukala.
Giit ng senador, higit pa rito ang nararapat para sa mga manggagawa at tungkulin nilang mga mambabatas na maihatid ang matagal nang hinihintay na wage increase.
Ikinalulungkot ng husto ni Zubiri ang kabiguan ng 19th Congress na maipasa ang legislated wage hike na isa sana sa pinakamakabuluhang pamana na maiiwan sana nila.
Marami na aniyang nagbabanggaang bersyon ng Senado at Kamara pero kung may dapat mang magpaliwanag kung saan nagkamali ay iyong mga chairman ng dalawang bicameral panels.
Sinabi ni Zubiri na siya bilang pangunahing may-akda ng P100 wage hike bill ng Senado ay hindi man lang naisama noong una sa mga myembro ng Senate bicam contingent at saka lamang siya kinuha matapos niyang magsalita sa plenaryo ukol dito.