
Inihain nina Deputy Speakers Jayjay Suarez ng Quezon at Jay Khonghun ng Zambales ang “GINHAWA KIT,” na binubuo ng mga panukalang batas at resolusyon na layuning magbigay ginhawa sa gastos sa kuryente, internet, at paghahanap ng trabaho ng mga Pilipino.
Kabilang dito ang House Bill (HB) 8191 o Panukalang Ginhawa sa Kuryente Act, kung saan gagawing awtomatiko ang lifeline rate para sa mga mahihirap na pamilya.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan din ng 50% diskwento sa singil sa kuryente ang mga kabahayang may minimum wage earner.
Kasama rin sa GINHAWA KIT ang HB 8192 o Ginhawa sa Paghahanap ng Trabaho Act na mag-aamyenda sa Republic Act (RA) 11261 para gawing simple at standardized ang mga requirement sa trabaho.
Batay sa panukala, ipagbabawal din ang panghingi ng mga original na dokumento at paulit-ulit na clearances.
Isinusulong naman ng House Resolution (HR) 823 na busisiin ang mahal at mabagal na koneksyon ng internet sa bansa upang mapababa ang presyo nito at mapalawak ang access, lalo na sa mga malalayong lugar sa Pilipinas.










