
Inendorso na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na layong patawan ng pinakamabigat na parusa ang kasong espionage o pang-eespiya.
Sinabi ni Senate Committee on National Defense and Security Chairman Senator Jinggoy Estrada, may-akda ng Senate Bill 2980, ang mapapatunayang guilty sa pang-eespiya ay isinusulong na habambuhay na makulong at hindi pwede bigyan ng parole at good conduct time allowance at pagmumultahin pa ng hanggang P50 million.
Sasaklawin namang oras na maging ganap na batas ang pang-eespiya gamit ang computer o digital device, internet, at lahat ng iba pang modernong kagamitan o teknolohiya.
Ituturing namang ebidensya ang pag-iingat ng sketch, mapa, blueprint, multimedia representation ng critical infrastructure, national defense assets at mga lugar na mahigpit na ipinagbabawal ng gobyerno ang pagpasok at pagkuha ng larawan o video.
Sa kasalukuyan, sa ilalim ng revised penal code, aabot sa hanggang anim na taong pagkakabilanggo ang parusa sa pang-eespiya habang sa Commonwealth Act 616 na naisabatas pa noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano ay hanggang 30 taon naman na pagkakakulong at multang P30,000 ang parusa.