Panukalang pagpapalawak sa pribilehiyo at benepisyo ng mga senior citizens, inaasahang aaprubahan ng Kamara sa pagbabalik ng session sa Hunyo

Inaasahang sa pagbabalik ng session ng Kongreso sa Hunyo ay maipapasa na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill 11400 na layuning palawakin pa ang mga pribilehiyo at benepisyo ng senior citizens sa buong bansa.

Pinapatiyak ng panukala ang pagbibigay sa mga senior citizen ng 20% discount sa mga gamot, food supplements at vitamins at iba pang bilihin gayundin sa health professional fees, transport network services, toll fees sa skyways at expressways.

Nakapaloob din sa panukala ang 15% discount sa buwanang singil sa konsumo sa kuryente na hindi lalagpas ng 200-kilowatt hour at sa tubig na 50-cubic meters pababa pero dapat ay naka-pangalan sa senior citizen ang billing statement.


Mayroon ding dagdag na 8.5% na special discount ang senior citizens sa basic necessities at prime commodities.

Sa ilalim pa ng panukala ay exempted din ang senior citizens sa color coding scheme basta’t sila ang nagmamaneho o pasahero ng sasakyan bukod sa parking fee exemption.

Hangad din ng panukala na mabigyan ng ₱25,000 ang pinakamalapit na buhay na kaanak ng namatay na senior citizen.

Facebook Comments