Panukalang partisipasyon ng Pilipinas sa ASEAN unified visa system, delikado sa ating pambansang seguridad

Umapela si Cagayan de Oro City Representative Rufus Rodriguez kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos na atasan si Tourism Secretary Christina Frasco na bawiin ang suporta ng ahensya sa planong ASEAN unified visa system.

Babala ni Rodriguez, delikado sa ating pambansang seguridad ang naturang unified visa system na kahalintulad ng Schengen visa sa Europa.

Paliwanag ni Rodriguez, bubuksan nito ang ating bansa sa espiyang Chinese na nagpapanggap bilang mga turista.

Inihalimbawa ni Rodriguez ang tinaguriang Chinese “Trojan horses” na nakakapasok sa bansa bilang turista, estudyante at negosyante na nahuhuli ng mga awtoridad malapit sa mga military installation at sensitibong tanggapan ng gobyerno tulad ng Commission on Elections (COMELEC).

Nilinaw naman ni Rodriguez na suportado niya ang pagpapalakas sa sektor ng turismo at ekonomiya sa pamamagitan ng paghikayat ng mas maraming turista.

Pero giit niya, hindi na tayo dapat tumanggap ng turistang Chinese dahil sa hindi magandang karanasan natin sa China kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea.

Facebook Comments