
Naghain ng Motion for Reconsideration ang Public Attorney’s Office kaugnay sa pagbawi ng Department of Justice (DOJ) sa halos 100 reklamo kaugnay sa dengue vaccine na Dengvaxia.
Nasa 98 na reklamong reckless imprudence resulting in homicide ang isinampa ng mga magulang ng mga batang nasawi umano dahil sa bakuna noong mga nakalipas na taon.
Batay sa kopya ng mosyon, iginiit ng PAO na may prima facie na ebidensya para mapatunayang nagkaroon ng kapabayaan si dating Health Secretary Janette Garin at ilan pang respondent sa kaso.
Ibinasura ng DOJ ang reklamo noong January 10 kasabay ng pag-withdraw o pagbawi sa mga impormasyon laban kina Garin, Dr. Gerardo Bayugo at Dr. Ma. Joyce Ducusin.
Batay sa resolusyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, hindi maaaring maging liable ang respondents dahil walang nakitang malisyosong intensiyon sa kanilang panig.
Sabi rin ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez sa ambush interview kanina, walang nakitang kaugnayan sa pagkamatay ng mga biktima at sa bakunang Dengvaxia.
Kaninang umaga nang sumugod sa tanggapan ang ilang magulang ng mga nasawing biktima upang kalampagin ang kalihim sa pag-atras ng reklamo.