Paratang na pinapabagal ang impeachment proceedings, itinanggi ng impeachment court

Pinabulaanan ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na walang basehan ang paratang na bumagal o “foot dragging” na ang proseso ng impeachment.

Ipinagmalaki ni Tongol na maraming nagawa ang korte sa loob lamang ng isang linggo kabilang na ang pagko-convene ng impeachment court, pag-iisyu ng orders sa pag-adopt ng rules at suppletory rules, pag-uutos sa Kamara na mag-comply sa isyu ng hurisdiksyon, pag-iisyu ng summons kay Vice President Sara Duterte at pagtanggap ng entry of appearance ng mga defense lawyers.

Sinabi ni Tongol na sinumang abogado o bihasa sa batas ay batid na madali lang maghain ng motion for clarification, manifestation, compliance at entry of appearance.

Subalit kinukwestyon ng impeachment court na sa nakalipas na pitong araw mula nang mag-convene ang korte ay wala pa ring naihahain hanggang ngayon na pleading o anumang hinihinging dokumento mula sa mga nagsasabing nais nila ang mabilis na proseso.

Dagdag ni Tongol, sa mga ganitong maliliit na mosyon ay mabagal na silang kumilos paano pa aniya kung sa mas malalaking mosyon.

Facebook Comments