Party-list na ipina-di-disqualify ng Kontra Daya, naghain ng tugon sa Comelec

Nagtungo sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kinatawan ng Vendors Party-list.

Ito ay upang magsumite ng kanilang tugon kaugnay sa inihaing petition for disqualification laban sa kanila ng poll watchdog na Kontra Daya.

Sa ambush interview, sinabi ni Atty. Edward Gialogo na walang basehan ang petisyon kaya’t umaasa silang ibabasura ito kalaunan.

Iginiit pa ng abogado na dapat petition to cancel nomination ang inihain ng convenor na si Prof. Danilo Arao kung naniniwala silang hindi kwalipikado ang ilang nominees.

Pero dapat noon pa aniya ito inihain sampung araw matapos ilabas ang listahan ng mga nominee ng party-list.

Sa petisyong ng Kontra Daya, iginiit nilang hindi kabilang sa marginalized sector ang tatlong nominee at nais din nilang kanselahin ang registration upang hindi na maiproklama.

Una nang sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na hindi kailangang maging miyembro ng partikular na sektor ang isang nominado upang ito’y makapagrepresenta alinsunod na rin sa desisyon ng Korte Suprema.

Facebook Comments