PASTOR, TINANGKANG PATAYIN ANG KALAGUYONG ESTUDYANTE

Cauayan City – Tinangkang patayin ng isang pastor ang kalaguyo nitong 19-anyos na estudyante sa mismong boarding house nito sa Brgy. Rosario, Santiago City, Isabela.

Sa naging panayam ng IFM News Team sa Investigator on Case na si Police Staff Sergeant Jan Ghran Bayang, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na nagawa umano ng 42-anyos na suspek ang krimen dahil sa pananakot ng biktima sa kanya na isisiwalat niya ang kanilang tinatagong relasyon.

Dahil sa takot na masira ang imahe nito bilang isang pastor at malaman ng kanyang asawa ang kanyang pangangaliwa, pinasok niya ang boarding house ng biktima upang kunin ang kanyang cellphone na naglalaman ng kanilang palitan ng mensahe, kasama ang wallet nito na may kargang ID’s at di umano P20,000 cash.

Gayunpaman, habang kinukuha ng suspek ang cellphone ng biktima, biglang nagising ang biktima na nag-udyok sakanya upang sasaksakin at iuntog ito sa pader ng ilang ulit hanggang sa tuluyan itong mawalan ng malay.

Sa pag-aakala umanong patay na, iniwan niya ito dala ang cellphone at wallet ng biktima at umuwi sa kanilang bahay sa Brgy. San Fermin, Cauayan City.

Matapos makarating sa kapulisan ang nangyaring insidente, nakipag-ugnayan ang Santiago Police Station 3 sa Cauayan City Police Station at kaagad namang natukoy ang kinaroroonan ng suspek matapos itong makilala ng isa sa mga pulis.

Kasabay ng pagkakaaresto sa suspek, positibo ring nakuha ang mga ebidensya subalit abo na ang mga ito matapos na sunugin ng pastor.

Sa ngayon ay nasa Custodial Facility na sa Santiago City ang pastor na hindi naman itinanggi pa ang pagkakasangkot sa krimen.

Samantala, maswerte namang nakaligtas ang biktima at tuluyang sinampahan ng kasong Robbery at Frustrated Homicide ang suspek.

Facebook Comments