
Humingi ng pang-unawa sa publiko si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay ng isasagawang rehabilitasyon ng San Juanico bridge.
Ito’y matapos matukoy ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang posibleng pinsala sa ilang bahagi ng tulay.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, batid ng Pangulo ang inaasahang epekto sa mga komunidad at ekonomiya ng rehabilitasyon ng tulay.
Gayunpaman, mas mainam aniyang intindihin ang positibo at pangmatagalang benepisyo sa hinaharap ng gagawing rehabilitasyon.
Paliwanag pa ni Castro, mas nais ng Pangulong matiyak ang kaligtasan ng mga tao sa posibleng disgrasya o sakuna kung hindi isasailalim sa pagkukumpuni ang tulay.
Sa kabila nito, nagdeploy na ng shuttle bus at magdamagang service ang DPWH para sa mga apektadong residente at biyahero dahil mga magagaan o light vehicles lang ang papayagan dumaan sa tulay.
May koordinasyon na rin aniya ang kagawaran sa mga lokal na pamahalaan at Philippine Ports Authority para tumulong din sa pagtatawid sa mga apektadong biyahero.