
Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang buwan ng Mayo bilang Ease of Doing Business (EODB) Month.
Layon nitong palakasin ang pagbibigay ng mahahalagang serbisyo ng pamahalaan, gawing mas kaaya-aya ang kapaligiran para sa negosyo, at pagbutihin ang kahusayan sa burukrasya.
Sa ilalim ng Proclamation No. 818, inatasan ni PBBM ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) na pangunahan ang taunang pagdiriwang ng EODB Month at tukuyin ang mga programang kaugnay nito.
Nakasaad din sa proklamasyon na lahat ng ahensya ng pamahalaan na sakop ng RA No. 9485 o Anti-Red Tape Act of 2007, kasama ang mga Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs) at mga local government units (LGUs), ay dapat makipag-ugnayan sa ARTA para sa epektibong pagpapatupad ng mga aktibidad kaugnay ng EODB Month.
Kasabay nito, hinihikayat ang mga non-government organizations (NGOs) at pribadong sektor na makiisa at suportahan ang ARTA sa implementasyon ng mga inisyatibo para sa pagpapadali ng proseso sa pagnenegosyo.