
Mariing itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tinatarget ng kanyang administrasyon ang Senate majority bloc sa gitna ng mga kasong isinampa laban sa ilang senador kaugnay ng maanomalya sa flood control projects.
Tugon ito ng pangulo sa pahayag ni Senator Imee Marcos na tila inuubos ang hanay ng mayorya sa Senado sa pamamagitan ng mga reklamong inihahain laban sa ilang miyembro nito.
Sa press conference sa Japan, iginiit ni Pangulong Marcos na walang kinalaman ang pulitika o grupo sa Senado sa takbo ng imbestigasyon.
Ayon sa Pangulo, ang mga kasong isinampa ng Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman ay nakabatay sa mga ebidensya, testimonya, at findings ng Senate Blue Ribbon Committee.
Giit ni Marcos, ang mga pangalan ng mga iniimbestigahan ang mismong lumitaw sa pagbusisi sa umano’y flood control scam at hindi dahil kabilang sila sa majority o minority bloc.
Sinabi pa ng pangulo na patuloy ang imbestigasyon para ilabas ang buong katotohanan na matagal nang hinihingi ng publiko at kung wala aniyang ginawang mali ang mga nadadawit, lalabas din ito sa proseso.
Kabilang sa mga nahaharap sa reklamo kaugnay ng flood control anomaly sina Senators Jinggoy Estrada, Joel Villanueva at Francis “Chiz” Escudero.
Ngayong hapon, naglabas din ng warrant of arrest ang 2nd Division ng Sandiganbayan laban kay Estrada.










