
Nagpahayag ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa India matapos ang trahedyang nangyari sa Air India Flight AI-171 na bumagsak malapit sa Ahmedabad, India.
Sakay ng Air India passenger plane na patungo sana sa London, ang nasa 242 na pasahero nang bumagsak sa hilagang-kanluran ng siyudad ilang minuto matapos mag-take off.
Ayon kay Pangulong Marcos, lubos na ikinalulungkot ng mga Pilipino ang trahedya at kaisa aniya ng India at ni Prime Minister Narendra Modi ang bansa sa oras na ito ng pagdadalamhati.
Ipinabatid din ng Pangulo ang taos-pusong pakikiramay at panalangin ng Pilipinas para sa mga naiwang pamilya ng biktima ng trahedya.
Umaasa naman ang Pangulo na magsisilbing gabay ang patuloy na imbestigasyon sa trahedya upang mabigyang linaw ang mga naulilang pamilya.