PBBM, pangungunahan ang kick off rally ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa Ilocos Norte

All set na ang senatorial slate ng administrasyong Marcos sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ngayong unang araw ng campaign period.

Makakasama mismo ng 12 kandidato si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kick off rally ng koalisyon mamayang hapon na gaganapin sa Centennial Arena, Laoag, Ilocos Norte.

Matatandaang nagbigay ng 356,221 sa 380,721 na aktwal na boto ang Ilocos Norte para kay Pangulong Marcos noong 2022, o katumbas ng 87.7% turnout ng mga botante na isa sa pinakamataas na turnout sa bansa.


Ayon sa campaign manager ng Alyansa na si Navotas Representative Toby Tiangco, ang desisyon na magsimula sa Ilocos Norte ay nagpapakita ng estratehiya ng administrasyon na pagtibayin ang suporta sa kanilang teritoryo.

Sa kabuuan, ay may 21 lugar aniya na pagdarausan ng campaign sorties ang Alyansa kung saan sasama mismo ang pangulo.

Mula sa Ilocos Norte, sunod na idaraos ang kampanya sa Iloilo, Davao del Norte at Pasay.

Nauna na ring ipinangako ni Pangulong Marcos na maglalaan siya ng araw para sumama sa pangangampanya.

Nais din ng pangulo na makukuha ng mga kandidato ng administrasyon ang 12-0 seats sa Senado sa May 2025 election.

Facebook Comments