
Hindi hahayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na patuloy pang lumaganap ang mga kaso ng kidnapping sa bansa.
Ito ang tiniyak ng Malacañang kasunod ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que, at sa gitna ng pangamba ng Filipino-Chinese community sa 12 insidente ng ng pagdukot sa ilang Chinese ngayong taon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, pinatututukan na ni Pangulong Marcos ang imbestigasyon at pag-resolba sa mga kaso ng kidnapping para tuluyang masugpo ang nasabing uri ng krimen.
Hindi rin aniya tutulugan ng pamahalaan ang kaso ng pagkamatay ng Filipino-Chinese Businessman na unang napaulat na dinukot.
Sa ngayon, sabi ni Castro, nakatutok na ang Philippine National Police (PNP) sa kaso ni Que.
Minabuti na rin aniya nilang hindi magsalita tungkol sa kaso sa mga nakalipas na araw dahil sa hiling ng pamilya ng negosyante.