
Tinutulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang panukalang payagan ang online participation at electronic voting ng mga senador na hindi makakadalo nang personal sa sesyon.
Sa Kapihan with the Media sa Japan, sinabi ng pangulo na pinayagan lamang noon ang remote voting dahil sa COVID-19 pandemic at wala nang dahilan ngayon upang ibalik ito.
Ayon sa pangulo, tila para lamang kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang naturang panukala.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Pangulong Marcos sa mga kontrobersyang kinakaharap ng Senado, kabilang ang umano’y pekeng insidente ng pamamaril noong Mayo 13.
Malaki na aniya ang ipinagbago ng Senado kumpara noong siya ay senador pa dahil dati man ay may matitinding debate, hindi ito nauuwi sa personalan tulad ng mga sigalot na nakikita ngayon.
Umaasa naman si Pangulong Marcos na agad maresolba ng mga senador ang mga problemang kinakaharap ng Institusyon.










