PCG, naka-alerto na sa pagdating bukas sa Albay ng towing vessel at barge na may sakay na mga crew na positibo sa COVID-19

Naka-alerto na ang Philippine Coast Guard (PCG) Station sa Albay, sa pagdating bukas sa pantalan ng Sto. Domingo, ng towing vessel, MT Clyde at ng barge na may pangalang Claudia na may 11 crew members na positibo sa COVID-19.

Isa sa mga crew na infected din ng virus ang una nang bumaba sa Butuan City, Agusan del Norte.

Galing ng Indonesia ang dalawang sasakyang pandagat na unang dumaong sa Butuan City.


Nasa kalagitnaan na ng paglalayag ang tugboat at barge nang matanggap nila ang abiso na 12 sa mga crew ang positibo sa virus.

Ayon sa kapitan ng mga tugboat na si Francisco Vargas, nasa maayos naman silang kondisyon, bukod pa sa asymptomatic ang 11 crew members na may COVID-19.

Nakikipag-ugnayan na sa Bicol Inter-Agency Task Force (IATF) ang Coast Guard Station sa Albay para sa kaukulang hakbang pagdating ng dalawang sasakyang pandagat.

Facebook Comments