
Hindi na hinahayaan pa ng Philippine Coast Guard (PCG) na makalapit ang barko ng China Coast Guard sa Zambales.
Unang nakita ang barko ng China na 5901 sa 54 nautical miles sa pampang ng Zambales kung saan nagawa itong maitaboy ng PCG sa layong 117 nautical miles.
Ito’y dahil sa ginawang hakbang ng barkong BRP Teresa Magbanua na patuloy na nagbabantay upang hindi na makalapit pa ang barko ng China.
Samantala, inihayag ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG sa West Philippine Sea na na-detect nila ang dalawang barko ng Chinese Coast Guard 34 nautical miles ang layo sa dagat ng Pangasinan sa ilalim ng Dark Vessel Detection Program.
Ito ang mga barko ng China na 3301 at 3104 kung saan nagsagawa ng radio challenge ang Pilipinas at pinaaalis ang mga ito.
Agad ding ipinadala ng PCG ang kanilang barko na BRP Cabra at BRP Bagacay sa Bolinao, Pangasinan para patuloy na magbantay.