Saturday, March 7, 2026

PCG Spokesperson Jay Tarriela, tumanggi sa debate kay Sen. Marcoleta sa isyu ng WPS

Hindi paksa para sa public debate ang isyu ng karapatan ng Pilipinas sa mga teritoryo, kabilang na ang West Philippine Sea.

Sagot ito ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela kasunod ng hamon sa kaniya ni Senador Rodante Marcoleta na makipag-debate bago magpunta sa Kalayaan Island Group.

Sa isang pahayag, sinabi ni Tarriela na mas gusto niyang pag-usapan ang ibang bagay gaya ng pagkain, kasalukuyang fashion trends at iba pang usapin, ngunit hindi maaaring pagdebatehan ang ating karapatan sa mga teritoryo.

Naniniwala si Tarriela na tatanggihan din nina retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, Professor Jay Batongbacal, at sinumang Pilipinong may sapat na kaalaman sa ating matibay na legal position ang anumang debate tungkol dito.

Ang batayan aniya ng soberanya at karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay pinagtibay na ng 2016 Arbitral Award, Konstitusyon, at mga umiiral na batas na hindi na kinakailangan pang ipag-negosasyon.

Bilang isang senador ng Republika, tungkulin umano ni Marcoleta na panindigan at ipagtanggol ang ating mga karapatan, at ang pagtrato rito bilang usaping maaaring pagdebatehan ay tila pagbalewala sa kanyang sinumpaang tungkulin na ipagtanggol ang bansa at itaguyod ang Saligang Batas.

Sa kabila ng pagtanggi sa debate, mananatili raw bukas si Tarriela sa imbitasyon sa senador at sa anak nitong si Rep. Paolo Marcoleta na bumisita sa Kalayaan Island Group sakay ng barko ng Coast Guard o sa pamamagitan ng maritime domain awareness flight.

Facebook Comments