
Nagtungo ngayong Miyerkules sa Department of Justice (DOJ) ang mga kinatawan ng Presidential Communications Office (PCO) upang maghain ng rekomendasyon para kasuhan ang ilang personalidad na umano’y nagpapakalat ng fake news.
Ayon sa Head ng PCO Anti-Fake News Desk na si Director Robertzon Ramirez, partikular na pinaiimbestigahan nila ang mga nasa likod ng Facebook accounts na “Iloy Bugris: The Queen of Revelations” na nag-live at nagsabing malala ang sakit ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at naglabas ng fabricated document kung saan nanghingi rin ng pera mula sa viewers.
Pinaiimbestigahan din ang account na “Rigondola Ping” na nagpakalat ng manipulated na mga larawan na nasa malalang karamdaman si PBBM at ang account na may pangalang “Crage Anderpal” na nagsabing may opisyal na kumpirmasyon na raw ng seryosong kondisyon ng pangulo.
Nauna nang inendorso ng PCO sa DOJ na imbestigahan ang Facebook page na Malasakit News Pilipinas dahil sa pagpapakalat ng umano’y emergency lockdown.
Ayon sa PCO, ang sadyang pagpapakalat ng mga maling impormasyon lalo na ngayong may idineklarang State of National Energy Emergency ay maituturing na krimen na may kaukulang parusa.
Sabi naman ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, ieendorso na nila sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ito para sa pagiimbestiga at pagsasampa kaukulang reklamo.










