PCO Secretary Ruiz, umaray sa P200-M PCSO deal issue

Nagsalita na si Presidential Communications Office o PCO acting Secretary Jay Ruiz sa lumabas sa balitang siya ang may-ari ng Digital 8 Incorporated na nakakuha ng higit 200 milyong pisong deal sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Ruiz na bagama’t mayroon talaga siyang ibang mga kompanya tulad ng political communications management na pinaghahandaan niya na para i-divest, hindi kailanman siya nagmay-ari ng kahit anong shares sa Digital 8.

Mapatutunayan aniya ito sa Securities and Exchange Commission dahil wala naman doon ang kaniyang pangalan.


Tahasan ding sinabi ni Ruiz na malisyoso at fake news ang lumabas na istorya sa isang online news site.

Ikinasama rin ng loob nito na hindi man lang aniya siya kinuhanan ng panig ng mga nagpapatakbo ng naturang news site lalo pa at kaibigan niya ang mga ito.

Naging emosyonal din si Ruiz dahil naapektuhan ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang ina sa maling balita na muntik na aniyang isugod sa ospital dahil sa heart condition.

Inaaalala niya rin ngayon ang kaligtasan ng kaniyang mga anak at asawa dahil sa tila ipinalalabas na mayroong siyang milyun-milyong halaga ng salapi.

Dahil dito, kinailangan pa niya ngayon na maglagay ng security para sa mga anak.

Facebook Comments