PDRRMO PANGASINAN, NAGBABALA SA MGA PANGANIB NA DULOT NG LINDOL BUNSOD NG MGA NAITALANG PAGYANIG SA BANSA

Pinaalalahanan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang publiko na maging mapagmatyag at handa sa iba’t ibang panganib na maaaring idulot ng lindol upang mabawasan ang mga posibleng epekto nito sa buhay at ari-arian sa oras ng sakuna.

Ayon kay PDRRMO Operations Head Vincent Chiu, mahalaga umanong maunawaan ng mga mamamayan ang mga dapat gawin lalo na tuwing malakas ang lindol. ‎

Kailangan din umanong seryosohin ang mga earthquake drill na isinasagawa dahil dito nahahasa ang muscle memory ng mga tao upang awtomatikong maisagawa ang tamang hakbang sa oras ng sakuna.

Dapat din umanong mapag-usapan ng bawat pamilya kung saan sila magkikita-kita sakaling mawalan ng komunikasyon sa isa’t isa. ‎

‎Samantala, kabilang din sa mga banta ang pagguho ng lupa sa mga bulubunduking lugar, gayundin ang tsunami na binubuo ng sunod-sunod na malalaking alon. ‎ ‎

Dahil dito, hinihikayat ng PDRRMO ang publiko na palaging maging handa, alamin ang mga evacuation area, at magkaroon ng sapat na kaalaman sa tamang pagtugon bago, habang, at pagkatapos ng lindol. ‎

Sa kabilang banda, sa Dagupan City, may mga tsunami early warning system na ikinabit sa mga estratehikong lugar upang magbigay ng agarang babala ang mga residente sakaling magkaroon ng banta ng tsunami kasunod ng malakas na lindol. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments