Patuloy ang pagsasagawa ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng kanilang project P.A.R.A.A.N, isang risk assessment and preparedness project upang matutukan ang mga kabahayan lalo na ang mga coastal areas sa Pangasinan.
Sentro ng pinaigting na kampanya ng programa na maihanda ang mga residente sa mga coastal areas na may matataas ang posibilidad na makaranas ng tsunami sa oras ng magkaroon ng malakas na lindol at maging sa mga malalakas na bagyo rin.
Nagbabahay–bahay ang PDRRMO at nagsasagawa ng assessment kung gaano kalayo ang isang bahay sa isang shoreline at dito inaalam ang mga nakatira na kabilang sa vulnerable sector tulad ng mga pwd, matatanda, bata, at kababaihan para sila ang uunahin sa oras na magsagawa ng rescue operation tuwing may sakuna.
May ididikit naman na mga stickers kung saan may tatlong klase, red para sa mga nasa 1 km ang layo sa shoreline o high risk, orange para sa nasa 1.5 km ang layo sa shoreline o moderate risk, at yellow naman para sa mga nasa low risk.
May QR code din ang naturang sticker kung saan magagamit ang scanner at magtuturo ng mga evacuation routes para sa mga residente.
Nag-umpisa umano ang proyekto noong October 2023 at natapos na ang nasa dalawang LGU – Lingayen at Binmaley.
Responsibilidad naman umano ng mga lgu na ituloy ang naturang proyekto sa iba pang coastal areas upang makatulong na agarang makapag responde at makapaghanda ang bawat residente sa tuwing may kalamidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨