
Bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bawiin ang perang ninakaw sa taumbayan, tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na mahahabol o mababawi ito ng pamahalaan.
Ito’y sa pamamagitan ng insurance o bond kung saan ang bahagi ng pondong nasayang sa mga palpak na proyekto ay maibabawi sa ilalim ng Memorandum of Agreement (MOA) kasama ng Insurance Commission.
Muling iginiit ni Sec. Dizon na hindi sapat na makulong lamang ang mga sangkot sa korupsyon dapat ay maibalik ang pera ng taumbayan.
Aniya, ang mga ninakaw na pera na ginamit para pambili ng mga sports car, pangsugal sa casino at pambili ng mga mamahaling bahay at kailangan maibalik para magamit din sa programa ng gobyerno.
Base sa MOA, magtutulungan ang DPWH at IC para mapabilis ang proseso ng pagkuha ng insurance claims sa bawat ghost at substandard project na maaaring umabot sa 30% ng kabuuang project cost.
Nanawagan naman si Dizon at Commissioner Reynaldo Regalado na magkusa na ang mga contractor at huwag nang hintayin na umabot pa sa korte pero kung magmamatigas at lalaban ay sisiguraduhin ng kalihim na mananagot sila sa batas.









