Petisyon ng Mighty Corporation na pigilan ang Bureau of Customs sa pagsasagawa ng raid sa kanilang warehouse, ibinasura ng Manila RTC

59

Manila, Philippines – Ibinasura ng Manila Regional Trial Court ang petisyon ng Mighty Corporation sa kanilang hiling na pigilan ang pagsasagawa ng raid ng Bureau of Customs sa kanilang mga warehouse.

 

Base sa 13-pahinang resolusyon na may petsang March 23, 2017 na inisyu ni Judge Noli Diaz ng Manila Regional Trial Court branch 39, hindi nito pinagbigyan ang hirit na writ of preliminary injunction ng Mighty Corporation.

 

Maliban dito ay ibinasura rin ng korte ang civil case na inihain ng Mighty Corporation laban sa BOC dahil sa kawalan ng hurisdiksyon.

 

Ayon sa SC wala silang kapangyarihan para pagbigyan ang hirit na injunctive relief ng Mighty Corporation dahil ang gusto nitong pigilan ay ang mga raid sa San Simon, Pampanga.

 

Gusto kasi ng Mighty Corporation na pigilan ang BOC sa pag-iinspeksyon, paghalughog at pagsamsam sa kanilang mga produkto na nasa kanilang warehouse sa Pampanga na labas na kanilang hurisdiksyon.

 

Una rito, sinalakay kahapon ng BOC ang warehouse ng Mighty Corporation sa San Ildefonso, Bulacan.

 

Ayon kay Customs Commissioner Nicanor Faeldon, karamihan sa mga naka-imbak na sigarilyo doon ay may pekeng tax stamps.

 

Ang Mighty Corporation ay isang lokal na kumpanya ng sigarilyo na inaakusahang gumagamit ng pekeng tax stamp sa mga pakete ng sigarilyo.


Facebook Comments