
Pinuri ni Partido Federal ng Pilipinas National President Reynaldo Tamayo Jr. ang panalo ng mga kandidato ng PFP sa katatapos lamang na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nagpasalamat din ang naiproklama nang reeleksiyunistang gobernador ng South Cotabato hindi lang sa mga bumoto sa mga kandidato ng kanilang partido, kundi maging sa lahat na taga-BARMM na sumali para mairaos ng matiwasay at patas na halalan sa buong rehiyon.
Ayon sa unofficial at partial results mula sa Commission on Elections server noong Mayo 15, ilang kandidato ng PFP ang nagwagi ng may malaking lamang, habang ang ilan naman ay nangunguna sa mga labanan para sa kongresista, gobernador, alkalde, at bise alkalde sa iba’t ibang bahagi ng BARMM.
Ganap nang naiproklama ang ilang PFP candidates tulad nina Esmael “Toto” Mangudadatu bilang kinatawan sa nag-iisang distrito ng Maguindanao del Sur, Datu Tucao Mastura bilang gobernador ng Maguindanao del Norte, at Ali Midtimbang bilang gobernador ng Maguindanao del Sur.
Sa Basilan naman, siyam na kandidato ng PFP ang nangunguna sa lokal na halalan, kabilang si Lamitan City mayoral aspirant Oric Furigay. Anim naman ang nangunguna sa karera para sa bise alkalde.
Sa Tawi-Tawi, pito sa mga kandidato ng PFP para sa pagka-alkalde at pito rin sa pagka-bise alkalde ang nasa unahan.
Samantala, sa Lanao del Sur, tatlong kandidatong alkalde at isang bise alkalde mula sa PFP ang nangunguna. Sa Maguindanao del Norte, lima sa parehong posisyon, at sa Maguindanao del Sur, anim na alkalde at limang bise alkalde ang nasa unahan sa bilangan.
Dagdag pa rito, siyam na kandidatong kongresista mula sa PFP ang nangunguna batay sa paunang tala mula sa COMELEC sa ganap na alas-5:00 ng hapon noong Mayo 15.
Ipinahayag naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na siyang National Chairman ng PFP, ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pamahalaan: “Governance is a shared responsibility, a mission that requires unity and burden sharing for the common good,” sabi niya.
Nagpaabot din ang Presidente ng pagbati sa mga nanalo, naiproklama, at mga kandidatong nangunguna mula sa PFP at iba pang koalisyon, at hinimok silang gawing prayoridad ang pagkakaisa sa kanilang paglilingkod-bayan.
“To the newly elected, regardless of party or coalition, I extend my hand. Let us move forward together—with open minds and common purpose,” ani ng Pangulo.
Kabilang ang Tawi-Tawi sa mga lalawigang nagtala ng malaking tagumpay para sa PFP, kung saan karamihan ng posisyong lokal sa 10 munisipalidad nito ay kanilang nasungkit.
Sa kasalukuyang opisyal na bilangan, hindi bababa sa 10 kandidato ng PFP ang nangunguna sa mga labanan para sa gobernador, bise gobernador, kongresista, at miyembro ng sangguniang panlalawigan sa iba’t ibang lungsod at bayan sa BARMM.
Kabilang sa mga ito sina Yshmael Sali bilang gobernador ng Tawi-Tawi, Al-syed Sali ng kaparehang lalawigan, at Jim Hattaman Salliman bilang vice governor ng Basilan.