PhilHealth, walang matatag na liderato ngayon; Kamara, hinimok ang mga ahensya ng gobyerno na tulungan muna ang PhilHealth

Umapela si Public Accounts Chairman Mike Defensor kay Pangulong Rodrigo Duterte na italaga ang Department of Finance (DOF), Department of Health (DOH) o kahit anong ahensya ng gobyerno para i-take over muna ang pamunuan ng PhilHealth.

Ito ay kasunod ng pagbibitiw ng mga opisyal ng PhilHealth na si President and CEO Ricardo Morales at Senior Vice President for legal Sector Atty. Rodolfo Del Rosario Jr. at ang naunang pagbibitiw ni Vice President for Operations Augustus De Villa.

Giit ni Defensor, ang itinalagang mamuno ngayon sa PhilHealth na si Executive Vice President and Chief Operating Officer Arnel de Jesus ay kakagaling lamang sa operasyon sa puso kaya “technically” ay walang liderato ngayon ang PhilHealth.


Sinabi naman ni Senior Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla na sa ngayon ang maituturing na lider ng PhilHealth ay si Health Secretary Francisco Duque III bilang Chairman of the Board ng PhilHealth.

Pero katwiran naman ni Defensor, kung sa polisiya ay si Duque ang nangunguna pero pagdating sa administrative ay walang nagbibigay kumpas sa PhilHealth kaya’t nakakatakot aniya na walang leadership sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Inamin naman ni PhilHealth Board of Directors Corporate Secretary Atty. Jonathan Mangaoang na kahapon lamang din pinili ng board ng PhilHealth si De Jesus na kapalit ni Morales bilang OIC.

Hindi rin aniya napag-usapan o ikinonsidera ng Board ang sitwasyon ng kalusugan ni De Jesus na kagagaling lang din sa “pacemaker implant” sa puso.

Nababahala ang mga kongresista na sa lagay ng kalusugan ng OIC ay hindi nito kayanin ang demands sa pagdinig patungkol sa mga katiwalian sa PhilHealth.

Facebook Comments