
Buo ang pag-asa ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na magiging mabisang proteksyon ng Pilipinas laban sa pagputok at pag-aalburoto ng mga bulkan ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs Modernization Act.
Ayon kay Salceda, malaking tulong ang bagong batas sa ating preparasyon laban sa 24 na aktibong bulkan at 100 seismic faults sa Pilipinas.
Ipinunto ni Salceda na hindi man natin makontrol ang aktibidad ng mga bulkan ay makatutulong ang batas para mapag-ibayo ang ating preparasyon at maiwasan ang higit pang pinsala at buhay na makikitil.
Bilang residente ng Albay kung saan matatagpuan ang Bulkang Mayon, batid ni Salceda ang matinding panganib na hatid ng anumang aktibidad ng isang bulkan kaya nagpapasalamat siya sa paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Republic Act No. 12180.
Tinukoy ni Salceda na layunin ng bagong batas na palakasin ang kakayahan ng Phivolcs sa pagmamagitan ng pagkakaloob dito ng makabagong mga kagamitan, highly trained personnel, mas maraming seismic station.