
Kinondena ng Malacañang ang anumang uri ng forced labor kasunod ng ulat ng Estados Unidos na nag-uugnay sa Pilipinas sa umano’y kakulangan ng proteksyon laban sa mga produktong nagmula sa sapilitang paggawa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, sinusuri ng pamahalaan ang ulat ng United States Trade Representative (USTR) at nakahandang makipag-ugnayan sa mga opisyal ng Estados Unidos upang ipakita na sumusunod ang bansa sa mga batas paggawa.
Binigyang-diin ni Castro na matagal nang tutol ang Pilipinas sa forced labor at patuloy na nagpapatupad ng mga batas at operasyon laban dito at sa human trafficking.
Kinilala rin ng Malacañang ang panukala ng USTR na magpataw ng dagdag na 12.5 porsiyentong taripa sa mga produktong mula sa mga bansang kulang umano sa mga hakbang laban sa forced labor.
Pinag-aaralan na rin aniya ng pamahalaan ang mga susunod na hakbang, kabilang ang pakikipagdayalogo sa Estados Unidos.










