
Cauayan City – Malaking tulong sa mga barangay ang ipinamahagi ng LGU Cauayan na 55 inches TV para sa mas mabilis na komunikasyon lalo na sa nasa malayong bahagi ng lungsod.
Isinusulong nito ang mas direktang komunikasyon sa pagitan ng mga barangay at lokal na pamahalaan (LGU) sa pamamagitan ng modernong teknolohiya.
Bukod dito, una nang namahagi ang lokal na pamahalaan ng mga laptop sa bawat barangay bilang bahagi ng digitalization program ng lungsod.
Sa naging panayam ng IFM News Team sa Barangay Captain ng Brgy. Baculud na si Roberto Aguinaldo, mas magiging epektibo ang koordinasyon, lalo na para sa mga opisyal ng treasury, dahil agad maaayos ang mga kinakailangang dokumento bago magtungo sa bayan.
Maliban dito, makatutulong rin ito upang mapabilis ang pagbibigay ng abiso sa bawat barangay sa mga aktibidad at kaganapan sa lungsod, lalo na tuwing panahon ng sakuna o kalamidad.
Inaasahang mas mapapadali nito ang serbisyo sa publiko at pagpapalakas ng teknolohiyang pangkomunikasyon sa komunidad.