PINAGTIBAY | Hatol na guilty laban sa tourist guide na nagbitbit ng placard sa loob ng Manila Cathedral, pinagtibay ng Korte Suprema

446

Manila, Philippines – Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals (CA) noong 2015 na kumakatig sa desiyon ng Regional Trial Court at Metropolitan Trial Court na guilty sa paglabag sa Article 133 ng revised penal code si Tourist Guide-Activist Carlos Celdran.

Kasunod na rin ito ng pagbasura ng Supreme Court 1st Division sa kanyang apela na baliktarin ang desisyon ng CA laban sa kanya.

Sa pasya ng first division noong March 21, 2018 na pinamumunuan ng napatalsik na Chief Justice Maria Lourdes Sereno sinang-ayunan ng Korte Suprema ang desisyon ng CA noong Disyembre 2014 at resolusyon noong Agosto 2015 na guilty si Celdran sa pangungutya, pag-insulto sa simbahan at pananakit sa damdamin ng mga taga-simbahan nang magdala sIya ng plakard sa loob ng Manila Cathedral noong Setyembre ng 2010 na may nakasulat na Padre Damaso sa kasagsagan ng isang religious activity.

Ipinoprotesta noon ni Celdran ang pakikialam ng simbahan sa mga usaping pang gobyerno partikular sa isyu ng reproductive health bill na sinusuportahan ni Celdran.

Nahatulan noon ng Mababang Korte ang tanyag na tourist guide at aktibista ng pagkakakulong ng hanggang 1 taon, isang buwan at 11 araw o prison correctional.

Facebook Comments