Isang natatanging selebrasyon ang ginanap noong Nobyembre 3, matapos ipagdiwang ng pinakamatandang World War II veteran at oldest living centenarian sa lalawigan ng Pangasinan ang kanyang ika-109 na kaarawan.
Siya ay si Valentin Mamanta Untalan, Sr., na mas kilala bilang “Laki Valentin” ng kanyang pamilya, mga kaibigan, at komunidad.
Ipinanganak noong 1916, bago pa man sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, si Laki Valentin ay isa sa mga buhay na saksi sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng bansa.
Ayon sa kanyang pamilya, simple ngunit makabuluhan ang naging pagdiriwang ng kanyang kaarawan na dinaluhan ng mga kaanak at kaibigan.
Pinapurihan nila ang mahabang buhay na ipinagkaloob sa kanya, na anila’y bunga ng kanyang disiplina, positibong pananaw, at pagmamahal sa bayan.
Sa edad na 109, patuloy na nagsisilbing inspirasyon si Laki Valentin sa mga Pangasinense dahil sa kanyang katatagan, kababaang-loob, at patunay na ang buhay na may malasakit at dangal ay tunay na mahabang biyaya.









