PINSALA SA AGRIKULTURA SA ILOCOS REGION, UMABOT NA SA P747.56-M

Umabot na sa ₱747.56 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa Ilocos Region bunsod ng pinagsamang epekto ng mga nagdaang bagyo at Habagat.

Batay sa Bulletin No. 7 ng Department of Agriculture Regional Field Office 1 Disaster Risk Reduction and Management Operations Center, na inilabas nitong September 2, alas-9 ng umaga, nasa 21,877 magsasaka na ang naapektuhan sa rehiyon.

Aabot naman sa 13,565.72 ektarya ng agricultural areas ang naapektuhan, habang tinatayang nasa 15,970.38 metric tons ang naitalang production volume loss.

Pinakamalaking pinsala ang naitala sa palay, na umabot sa ₱399.68 milyon o mahigit kalahati ng kabuuang halaga ng agricultural damage sa rehiyon.

Nasa 15,278 rice farmers ang naapektuhan, habang umabot sa 12,580.42 ektarya ang lawak ng mga apektadong taniman ng palay. Tinatayang nasa 10,336.32 metric tons naman ang production loss.

Sumunod ang high-value crops na may pinsalang nagkakahalaga ng ₱231.64 milyon, habang umabot sa ₱73.77 milyon ang naitalang pinsala sa irrigation facilities.

Nasa ₱22.53 milyon naman ang pinsala sa mais, ₱16.35 milyon sa agricultural infrastructure, ₱3.36 milyon sa livestock at poultry, ₱162,500 sa makinarya at ₱63,000 sa cassava.

Ang naturang pinsala ay dulot ng pinagsamang epekto ng Tropical Cyclones Luis, Maymay at Neneng at Southwest Monsoon o Habagat sa rehiyon.

Nilinaw naman ng DA Region 1 na patuloy pang isinasailalim sa validation ang mga datos kaya maaari pang magbago ang kabuuang halaga ng pinsala. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments