
Ihihirit ng grupong PISTON sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang ₱5 taas-pasahe sa jeep dahil sa naging epekto sa kanilang hanay ng patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Ka Mody Floranda, tagapangulo ng PISTON, hindi solusyon ang fuel subsidy na ipinagkakaloob ng pamahalaan sa transport sector dahil kulang ito.
Minsan aniya ay wala namang laman ang cash card na binibigay ng gobyerno sa kanilang mga driver.
Igigiit nila sa pamahalaan na tanggalin ang ₱6 per liter na excise tax sa langis at ₱9 per liter na VAT sa oil imports upang mabawasan ang presyo ng petrolyo.
Dapat din aniyang ibasura ang Oil Deregulation Law dahil wala itong tulong sa transport sector bagkus ay nagdudulot pa ng epekto sa kanilang hanapbuhay.
Ayon naman kay Ka Lando Marquez, National President ng transport group na Liga ng Transportasyon at Operator sa Pilipinas, dapat gawing ₱15 ang minimum fare sa jeep mula sa kasalukuyang ₱13 minimum fare.
Aniya, dapat hindi pa magpatupad ng oil price hike ang mga kompanya ng langis dahil hindi pa nauubos ang 60 days stock ng petrolyo bago sumiklab ang gulo sa Middle East.










