Pitong indibidwal na umano’y biktima ng human trafficking, nasagip ng PCG

Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pitong indibidwal na umano’y biktima ng human trafficking.

Ayon sa PCG, sakay ang mga biktima ng isang pribadong bangka na umalis mula Jolo, Sulu patungo sa Tawi-Tawi, bandang alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng umaga kahapon.

Sinabi ng PCG na isang concerned citizen ang nag-report ng insidente sa PCG Command Center dahil isa ang kaniyang misis sa pitong indibidwal na sakay ng bangka.


Sinabi pa nito na pagdating sa Tawi-Tawi, ililipat sila sa ibang bangka na maghahatid naman sa kanila sa Cambodia.

Dahil dito, agad nakipag-ugnayan ang PCG District BARMM sa Philippine National Police-Maritime Group para harangin ang pribadong bangka.

Narekober ng mga otoridad ang bangka sa karagatan ng Lupa Pula, Panglima Sugala, Tawi-Tawi.

Facebook Comments