
Cauayan City — Mas pinaigting ng Philippine National Police Abra (PNP) ang kanilang operasyon para sa kapayapaan at kaayusan sa lalawigan bilang paghahanda sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025.
Pinangunahan ni Police Major General Ronnie Francis Cariaga, Acting Commander ng PNP Area Police Command–Northern Luzon at Task Force Abra Commander, ang pagbisita sa lalawigan upang pag-aralan ang deployment plans sa mga lugar na may mataas na kaso ng krimen.
Ayon sa opisyal, nagpadala na rin ng karagdagang pwersa ang Police Regional Office-Cordillera, kabilang ang mga tauhan mula sa Regional Mobile Force Battalion at Special Action Force, pati na rin ng mga patrol vehicles at CCTV systems.
Sa kabila ng pagtaas ng krimen ngayong taon kumpara sa mga nakaraang halalan, nananatiling layunin ng Task Force Abra na mapababa ang bilang ng mga insidente.
Pinaplano rin nila ang mas pinaigting na promosyon ng police hotlines upang hikayatin ang publiko na magsumbong ng anumang kahina-hinalang aktibidad, kabilang ang vote-buying.