PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, hinamon na agad aksyunan ang paglaban sa mga tiwali at korap na PNP personnel

22

Hinamon ni House Deputy Speaker at Manila Representative Benny Abante si Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar na agad aksyunan ang mga insidente ng pagpatay at iba pang karahasang kinasasangkutan ng mga myembro ng pambansang pulisya.

Kasabay nito ang pahayag ni Abante na suportado niya ang kampanya ni Eleazar laban sa mga hoodlum o tiwaling pulis.


Binigyang diin ng mambabatas na sa mga nakalipas na buwan ay nadadawit ang PNP sa mga insidente at nangangahulugan ito na kailangan na ng institusyon ng tapat, desidido at may ‘sense’ na liderato upang tuluyang masawata ang mga kahalintulad na trahedya.

Umaasa si Abante na hindi lamang sa matapang na salita kundi pati na rin sa matapang na gawa ay isasakatuparan ni Eleazar ang kanyang mga sinabi.

Kailangan na rin aniya ng reporma at seryosong mga hakbang para maitama ang mga mali at iligal na gawaing kinasasangkutan ng mga pulis.

Ilan sa mga kontrobersiyang nakakaladkad ang pambansang pulisya ay ang February 24 shootout sa pagitan ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA); ang pagpatay ng isang pulis sa isang army veteran sa quarantine checkpoint noong April 2020; ang pagpaslang ng mga myembro ng PNP sa apat na army intelligence officer noong June 2020; at ang pagpatay ng isang pulis sa magina sa Tarlac noong December 2020.



Facebook Comments