
Pinasisiguro ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng mga pulis na magbabantay sa sunod-sunod na aktibidad sa bansa.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, bukod sa panahon ng pangangampanya ng mga kandidato ngayong halalan, nagsimula na rin ang summer vacation, at gugunitain ang Semana Santa ngayong Abril.
Ang pagde-deploy aniya ng sapat na bilang ng mga pulis ay upang matiyak ang seguridad at kaayusan sa mga nabanggit na kaganapan.
Nauna nang ipinag-utos ng PNP Chief ang pag-extend ng karaniwang 12-oras na shifting ng mga pulis, kung kinakailangan, batay sa sitwasyon sa kani-kanilang mga lugar.
Wala na ring pinayagang mag-leave maliban na lamang kung emergency ang dahilan.
Nakataas na sa heightened alert ang status ng buong PNP, na nangangahulugang 75% na ang deployment ng kanilang pwersa.