PNP-CIDG, may binuo ng tracker team para tugisin ang dalawa pang suspek na may kinalaman sa pagkawala ng isang sabungero sa Laguna

Pinaghahanap na ng Philippine National Police-Criminal Investigation & Detection Group (PNP-CIDG) ang dalawa pang suspek na nakita sa isang secret cellphone video na kasama ng isa sa mga nawawalang sabungero na si Michael Bautista.

Ayon kay PNP-CIDG Spokesperson PMaj. Mae Ann Cunanan, may binuo ng tracker team ang Pambansang pulisya para matunton ang mga ito.

Kamakailan ay pormal nang sinampahan ng kasong kidnapping at serious illegal detention ng PNP sa Department of Justice sina Julie Patidongan alyas Dondon at isang John Doe.


Sinabi ni Major Cunanan, bawat lugar na may naitalang nawawalang sabungero ay mayroong tauhan ang CIDG na nakatutok para sa imbestigasyon.

Nabatid na maliban sa Laguna, may nawawala ring sabungero sa Maynila, Batangas at Bulacan.

Ani Cunanan, tuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa kinauukulang Police Regional Office para malaman kung nasaan ang mga nawawalang sabungero, kung sino ang nasa likod ng kanilang pagkawala at ang motibo sa pagdukot sa mga ito.



Facebook Comments