
Walang plano ang Philippine National Police (PNP) na magtaas ng alerto.
Ito’y kasunod ng napaulat na may ilalabas na arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa umano’y pagpatay at pang-aabuso sa karapatang pantao sa war on drugs ng kaniyang administrasyon.
Nauna nang itinanggi ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na may impomasyon sila hinggil dito.
Aniya, ang deployment pa lang sa ngayon ng PNP ay bahagi ng seguridad sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Sinabi pa nito na wala pa ring ginagawang koordinasyon sa kanila ang International Criminal Police Organization o INTERPOL.
Paliwanag ni Fajardo sa oras na may arrest order o summons mula sa isang foreign jurisdiction, kinakailangang dumaan ito sa Interpol kung saan ang Interpol naman ay magpapalabas ng Blue Notice o Red Notice, na nagsisilbing international alert upang ipagbigay-alam sa mga law enforcement agencies na ang isang indibidwal ay may kinakaharap na imbestigasyon o may arrest order.