
Pinasisibak sa serbisyo ng Internal Affairs Service ng Philippine National Police ang isang police lieutenant na sangkot sa kaso ng maltreatment at misconduct sa isang resto bar sa Ilocos Norte na nangyari noong January 2024.
Base sa imbestigasyon ng PNP IAS, dumating ang nasabing pulis kasama ang isang sibilyan sa resto bar kung saan noong sila ay nalasing na pinagpush up nito ang waiter sa kanilang harapan.
Nagpakilala rin umano itong pulis at nang hindi ito makilala ng waiter bilang isang regular customer, nagalit ito at hinamon ang ilang bar employees ng suntukan dahilan para matakot ang ibang parokyano o customer ng resto bar.
Ayon kay PNP IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, kahit na off-duty ang isang pulis marapat lamang itong umakto ng tama at kagalang-galang.
Aniya, dapat maging role model ang mga pulis at nanindigang hindi nila kokonsintehin ang ganitong maling gawain ng kapulisan.