PNP, itinangging si PNP Chief Marbil ang sakay ng convoy na dumaan sa EDSA busway

Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) na si PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang sakay ng convoy na nasita ng Department of Transportation Special Action and Intelligence Committee for Transportation o DOTr-SAICT na dumaan sa EDSA busway kahapon.

Ayon kay PNP Spokesperson at PRO3 Regional Director PBGen. Jean Fajardo, lulan ng convoy ang isang mataas na opisyal ng PNP na humahawak ng sensitibong posisyon.

Ani Fajardo, mas mainam kung hindi na lamang nila papangalanan ang opisyal dahil na rin sa usaping pangseguridad.


Paliwanag nito, napilitang dumaan ang convoy sa EDSA busway dahil kailangan nitong makarating agad sa Kampo Krame para sa isang mahalagang aktibidad.

Sinabi pa ni Fajardo na noong masita ng SAICT, minabuti ng police escorts na ihatid muna sa Krame ang opisyal at agad namang bumalik para magpa-ticket dahil sa violation.

Facebook Comments