
Mahigpit na ipinatutupad ngayon ang ‘No Cover-Up Policy’ kasabay ng matagal nang zero tolerance policy laban sa mga tiwaling pulis.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil, dapat maging tapat sa pag-uulat ang lahat ng unit commanders, lalo na sa mga insidenteng may kinalaman sa mga nasawi o nasugatang pulis sa operasyon.
Sinabi ni Marbil na karapatan ng publiko na malaman ang buong katotohanan.
Dagdag pa nito, papanagutin ang sinumang commander na mapapatunayang nagtago ng impormasyon o nagtangkang magsinungaling.
Giit ni Marbil, wala nang gray area pagdating sa katotohanan dahil dapat ay may integridad ang hanay ng Pambansang Pulisya.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na reporma ng PNP na tumutugon sa isang organisasyong tapat, propesyonal, at makatao.