
Mayroon nang sinusundang magandang lead ang binuong Special Investigation Task Group (SITG) hinggil sa nangyaring pagpatay sa dating alkalde ng Kalibo, Aklan at veteran journalist na si Juan “Johnny” Dayang.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, inumpisahan na ng SITG ang pag-back track ng mga CCTV footages at inaalam ang mga huling pinuntahan ng biktima.
Gayundin ang pagkalap ng mga salaysay mula sa mga testigo at kaanak ni Dayang.
Sinabi ni Fajardo na lahat ng anggulo ay kanilang tinitignan kabilang na ang pagiging mamamahayag nito at kung ito ba ay may sinosuportahang kandidato ngayong eleksyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, binaril ang biktima kagabi kung saan idineklarang dead on arrival sa pagamutan.
Nabatid na si Dayang ay ang longtime president ng Publishers Association of the Philippines Inc. naging kolumnista ng Balita at Tempo ng Manila Bulletin at naging presidente rin ng Manila Overseas Press Club, direktor at board secretary ng National Press Club.