
Puspusan nang kumikilos ang mga intelligence units sa buong bansa para tukuyin ang international drug syndicate sa likod ng malaking 5.8 bilyong pisong shipment ng shabu na nasamsam sa baybayin ng Paluan, Occidental Mindoro.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., parte ng imbestigasyon at intelligence operations ang pagkakakilanlan ng lahat ng mga indibidwal at grupo na nagsisilbing distribution networks ng sindikato ng ilegal na droga.
Nabatid na nadiskubre ang 43 sako ng shabu sa isang abandonadong speedboat sa Occidental Mindoro kung saan base sa inisyal na assessment ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ito ay may timbang na 860 kilograms na may estimated market value na 5.8 billion pesos.
Habang 30 pakete pa ng hinihinalang shabu ang nadiskubre habang isinasagawa ang follow up operations kung saan 4 ang naaresto na kinabibilangan ng 2 foreign nationals.
Nagbigay na rin ng direktiba si Nartatez sa mga operatiba na paigtingin pa ang operasyon para mahuli at mapanagot ang mga indibidwal na maaaring konektado sa nasabing krimen.
Ayon pa sa kanya, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Armed Forces of the Philippines (AFP), PDEA at iba pang law enforcement agencies sa pagsasagawa ng imbestigasyon para alamin ang lahat ng detalye kaugnay sa nakumpiskang ilegal na droga.










