
Naniniwala ang mga senador na malaking factor sa pagkakatanggal ng Pilipinas sa grey list ng Financial Action Task Force (FATF) ang ipinatupad na pag-ban ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa buong bansa.
Ayon kina Senator Joel Villanueva at Senator Sherwin Gatchalian, malaking bagay ang aksyon ng pamahalaan para wakasan na ang mga POGO sa bansa na siyang nagiging ugat ng money-laundering at iba’t ibang krimen.
Inihayag ni Gatchalian na mismong ang FATF na ang nagsabi na POGO ang nagbukas ng pinto para makapasok sa bansa ang tinatawag na mga “dirty money” na galing sa kriminalidad at patunay dyan na Pebrero pa lang ay inalis na sa grey list ang Pilipinas matapos ipatupad ang POGO ban noong nakaraang taon.
Hinimok naman ni Villanueva ang gobyerno at pribadong sektor na patuloy na magtulungan para sa pagpapasigla ng ating ekonomiya at pagkakaroon ng maaasahang posisyon sa pananalapi sa mga susunod na taon.
Dagdag pa ng mga mambabatas, magandang balita rin ito para sa ating Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil mas mapapabilis na ang remittances at maibaba na rin ang singil sa transaction costs.