Pondo ng DAR Reform sa 2021, pinadadagdagan ng hanggang ₱5-B

40

Hiniling nila Deputy Speaker LRay Villafuerte at Ang Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat na dagdagan ang pondo ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa 2021.

Sa ilalim ng 2021 national budget ay aabot lamang ng P8.8 billion ang inaprubahang budget ceiling ng Department of Budget and Management (DBM) para sa DAR na hindi hamak na mas mababa ng 7% sa P9.1 billion na pondo ng ahensya ngayong taon.

Umapela si Cabatbat na dagdagan pa ng P5 billion ang P8.8 billion na 2021 budget ng DAR upang maisakatuparan ang “Mega Farm Projects” ng ahensya.

Ang konsepto ng proyektong ito ay para sa food self-sufficiency at security ng bansa gayundin ang pagbibigay ng kabuhayan sa mga magsasaka.

Ipinunto ng kongresista na kadalasang nababatikos ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) dahil ipinamamahagi at hinati-hati ang mga lupain pero hindi naman nakakapagtanim ang beneficiaries dahil sa kakulangan ng suporta sa mga magsasaka.

Sinabi naman ni DAR Usec. Emily Padilla na P741.528 million ang alokasyon para sa support services sa mga magsasaka pero iginiit ni Negros Oriental Rep. Manuel Sagarbarria na hindi ito sapat para masuportahan ng mga magsasaka ang food security at produksyon ng agricultural products sa bansa.

Ayon naman kay Villafuerte, dapat na madagdagan ng P3 billion hanggang P4 billion ang budget ng DAR dahil masyadong maliit ang budget ng ahensya sa 2021 gayong napakalaki naman ng responsibilidad ng ahensya.




Facebook Comments