
Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paglaanan na ng tamang alokasyon o pondo ng bentahan ng ₱20 per kilo ng bigas sa 2026 national budget.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ito ay para wala ng gastusin ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng programa.
Sa ngayon kasi ay pinaghahatian ng national at local government ang subsidiya para dito.
Batay sa Department of Agriculture (DA), nasa 3.5 hanggang 4.5 billion ang subsidiyang gugugulin sa programa hanggang sa December 2025 o February 2026.
Sabi ni Castro, ang mga local government unit (LGU) aniya sa Visayas region ang unang nagpahayag na nais nilang makipagtulungan sa national government para maipatupad ang pilot implementation ng ₱20 Rice Program sa Mayo.
Pero bukas naman aniya ang pamahalaan kung mayroon pang ibang LGUs sa ibang rehiyon ang nais na tumulong para madala na rin agad sa kanilang mga lugar ang murang bigas.