PORTABLE WATER SYSTEM, ISA SA KAILANGAN SA BRGY. BACULUD

Cauayan City – Malinis at ligtas na tubig ang isa sa  kailangan ng mga residente sa Brgy. Baculud, Cauayan City, Isabela.

Sa eksklusibong panayam ng IFM News Team kay Roberto Aguinaldo, kapitan sa nabanggit na barangay, hirap ang mga residente na magkaroon ng access sa malinis na tubig dahil sa estado ng lupa sa kanilang lugar.

Aniya, kung magpapatayo ng deepwell ang mga residente ay 10 tubo ang kailangan bago makakuha ng malinis na tubig galing sa ilalim na lupa, dahil kapag mababaw lamang ang huhukayin, kulay dilaw at hindi ligtas ang lalabas na tubig dahil umano sa carbon na nasa lupa.


Sinabi ng kapitan na aabutin sa halos P50,000-P60,000 ang halaga ng magagastos sa drilling at labor pa lamang, hindi pa kasali rito ang materyales na gagamitin kaya naman marami sa mga residente ang hindi kayang makapagpatayo ng sariling pagkukunan ng malinis tubig.

Sa kasalukuyan, mayroong dalawang water system sa lugar, isa ang ipinatayo ng barangay habang ang isa naman ay ipinatayo mula sa pondong ibinigay ng LPGMA.

Dahil dito, isa sa kanilang inilalapit sa pamahalaan ay ang pagkakaroon ng karagdagang potable water system sa kanilang lugar partikular na sa mga Sitio na hindi abot ng nakatayong water system upang matugunan ang pangangailangan sa malinis na tubig ng mga residente lalo na ngayong paparating nanaman ang panahon ng matinding tag-init.

Facebook Comments